habagatan ang hingang pinakawalan sa dilim.
manipis at waring ‘di marurok ng sinumang dios
o dios-diyosan.
walang nakapansin sa ihip na tumagos sa balat,
ang lahat ay may kanya-kanyang sinasampalatayaang anito/anino.
hindi ninais ng pantas na ang habagata’y pupuno sa kawalan ng dilim –
habang bawat hampas ng kanyang kamay
ay sumusugat sa birheng wala.
panunumpa ng itim na sugat sa kawalan ng puti;
mahusay ang pagkakakubli sa bahay ng mga luha.
ngunit waring baha ang kanyang pag-usbong mula sa tigang –
katulad ng baha na pumatay sa libu-libong kaanak ni Noah,
habagatan ang umiihip sa higanteng bangka.

Leave a comment